09/08/2025
Huling Isla ng Perlas
Sa dulo ng dagat, may islang may pangalan,
Huling Isla ng Perlas — paraiso ng kahapon.
Ngunit ngayo’y tinakpan ng ulap ng kasakiman,
Dito, ang batas ay dugo, ang hustisya’y libingan.
Sa bawat sangay ng pamahalaan,
Dugo’t apelyido ang pamantayan.
Mula taas hanggang ilalim, iisa ang kulay,
Pamilya sa trono, bayan ang alay.
Lupa ng mga ninuno, binuo ng pawis,
Ngayo’y pinipilas ng mga palad na malupit.
Kapag tumanggi ka, dilim ang huling tanawin,
At ang katahimikan mo’y binibili ng takot para sa pamilya mo.
Tahimik ang mamamayan, hindi dahil payapa,
Kundi dahil sa pangamba’t tanikala.
Paano na ang mga bata,
Kung paglaki nila’y abo na lang ng alaala?
Sa eleksyon, may halalan daw,
Ngunit nanalo na ang makapangyarihang politiko bago pa bumilang.
Panukala nila’y asenso, tulong, pag-angat,
Ngunit ang umangat lang ay kanilang mga palasyo at k**ag-anak.
Huling Isla ng Perlas,
Bawat alon mo’y sigaw ng nasasakal.
Hanggang kailan matutulog ang bayan,
Habang ninanakaw ang kinabukasan?