13/02/2026
Pumapasok ako araw-araw. Maaga, minsan kulang sa tulog, minsan sakto lang ang lakas pero pumapasok pa rin. Kasi malinaw ang rule sa amin: kapag hindi ka pumasok, walang bayad. Walang paliwanag na mahaba, walang palusot. Trabaho muna bago sahod. Ganun kasimple ang buhay ng isang ordinaryong empleyado.
Kaya nung nabasa ko na may panukala si Congressman Sandro Marcos tungkol sa “no work, no pay” policy para sa mga miyembro ng Kongreso, napaisip ako. Hindi ako napwow. Hindi rin ako nagalit. Mas parang, ah, ganun din pala dapat. Panukala pa lang naman siya hindi batas, hindi atake pero tumatama sa isang bagay na araw-araw naming nararanasan: may malinaw na kapalit ang sweldo.
Sa madaling salita, ang gusto ng panukala ay gawing batayan ng sahod at benepisyo ang aktwal na pagpasok at trabaho ng mga mambabatas, lalo na sa mga sesyon at committee hearings. Dahil kung galing sa buwis ng mamamayan ang sahod nila, dapat malinaw kung kailan sila nagtatrabaho. Hindi ito tungkol sa pagpapahiya o pagdidikta usapin ito ng pananagutan. Kung may trabaho, may bayad. Kung wala, bakit meron?
Habang pauwi ako galing trabaho, naisip ko lang na baka hindi naman kailangang gawing komplikado ang usapin ng serbisyo publiko. Minsan, sapat na yung prinsipyo na matagal nang umiiral sa ordinaryong tao. Trabaho kapalit ng sahod. Pananagutan kapalit ng tiwala. At kung seryoso ang gobyerno sa paglilingkod, baka doon talaga dapat magsimula sa simpleng bagay na ramdam at naiintindihan ng mamamayan.